MANILA, Philippines – Itinuring ng Philippine National Police (PNP) na “generally peaceful” ang naging takbo ng malawakang kilos-protesta na tinaguriang “Trillion Peso March” noong Setyembre 21, sa kabila ng ilang naitalang kaguluhan.
Ayon kay Acting PNP Chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., ang mga hindi kanais-nais na pangyayari ay maituturing na “isolated cases” at hindi nakaapekto sa pangkalahatang kaayusan ng pagtitipon. Pinuri rin niya ang mga pulis na tumutok upang mapanatili ang seguridad at kaayusan sa buong bansa.
Higit 61,000 ang Lumahok
Batay sa pagtataya ng PNP, umabot sa 61,605 katao ang lumahok sa iba’t ibang lugar sa bansa. Sa bilang na ito, 33,720 ang nagtipon sa Metro Manila habang 27,885 naman ang nagprotesta sa iba pang rehiyon.
Upang matiyak ang kaayusan, mahigit 50,000 pulis ang ikinasa sa buong bansa, kabilang na ang 29,300 sa Metro Manila bilang bahagi ng Civil Disturbance Management (CDM) Units.
Mga Naitalang Insidente
Kabilang sa mga insidente ang pagbabato sa mga pulis at ang panununog ng trailer truck malapit sa Ayala Bridge sa Maynila. Dahil dito, 49 katao ang naaresto, kabilang ang 13 menor de edad, at naharap sa mga kasong illegal assembly, direct assault, malicious mischief, at resistance to authorities.
Samantala, 70 miyembro ng Manila Police District ang nagtamo ng mga sugat habang pinipigil ang ilang indibidwal na nagdulot ng kaguluhan.
Sa kabila ng mga insidenteng ito, tiniyak ng PNP na nanatiling maayos at ligtas ang kabuuan ng protesta at nanindigan silang patuloy na magpapatupad ng balanseng seguridad at pagrespeto sa karapatan ng mga nagpoprotesta.