Bantay-Sarado: LPA sa Labas ng PAR, Maaaring Maging Bagyong “Fabian”

MANILA (July 31, 2025) — Masusing mino-monitor ngayon ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang isang low pressure area (LPA) na kasalukuyang nasa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR).

Ang nasabing LPA ay unang na-detect ngayong Huwebes, Hulyo 31, at ito ang kauna-unahang namuong sama ng panahon sa nakalipas na tatlong araw matapos ang sunod-sunod na pagpasok sa bansa ng bagyong Dante, Emong, at Krosa.

Ayon sa pinakahuling ulat ng PAGASA, namataan ang kumpol ng mga ulap sa northeast section ng extreme Northern Luzon, ngunit nananatili pa rin ito sa labas ng PAR sa kasalukuyan.

May mataas na posibilidad na ang nasabing LPA ay mabuo bilang tropical depression sa loob ng susunod na 24 oras. Kapag ito ay tuluyang lumakas at pumasok sa Philippine Area of Responsibility, ito ay papangalanang Bagyong “Fabian” — ang ikaapat na bagyo ngayong buwan ng Hulyo.

Samantala, nanawagan ang ahensya sa publiko na patuloy na subaybayan ang mga update ukol sa lagay ng panahon at iwasang magpakalat ng hindi beripikadong impormasyon.

Related Posts